Buwan ng Wika 2023, ipinagdiriwang

Noong ika-14 ng Agosto, isang palatuntunan ang isinagawa ng Northwest Samar State University bilang pagpupugay sa Buwan ng Wika sa temang: 

“Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.”

Ang pambungad na programa na idinaos pagkatapos ng Flag Ceremony ay nilahukan ng mga mag-aaral, guro, at mga manggagawa ng unibersidad. Ayon kay G. Julie Ann Edraga, isa sa mga guro sa Filipino at nagbigay ng Rasyunale, ang unibersidad ay magdadaos ng iba't-ibang aktibidad tulad ng mga patimpalak sa isang buwang pagdiriwang ng wikang Pambansa at ng mga katutubong wika. Sinundan ito ng Pambungad na Pananalita ni Bb. Cherry Gain Lanupa.

Ipinamalas naman ng mga mag-aaral sa BSED Filipino ang kanilang gilas sa Sabayang Pagbigkas at Sayaw (Lapay Bantigue) sa madla bilang parte ng kanilang presentasyon para ipagrangya ang wika at kulturang Pilipino.

Ayon sa Komisyon ng Wikang Filipino (KWF), ang ating bansa ay may 130 wika kabilang ang Filipino Sign Language o FSL, at 40 rito ay mga wikang nanganganib o endangered. Sa pamamagitan ng mga aktibidad ng unibersidad, maisasabuhay ng bawat mag-aaral at mga empleyado ang kahalagahan ng Wikang Filipino at mga katutubong wika.